Pinupukaw ng matinding alinsangan at uhaw
Ang katawan ko’ng hindi maglapat sa papag;
Sa ilang tablang sundo ang aking mahahabang biyas;
Kung saan na yata pinaka-preskong hig’an sa mga gabing gaya nito.
Yun ang katreng paboritong pahingahan ng aking wala ng Ama.
Sa bungad ng aming maliit na salas;
Doon kung saan lagak noon ang ng kanyang hapong katawan;
Tanging pahingahan ng masasakit na buto’t kalamnan.
Ipinipinta ko sa aking gising na isip,
Ang ngiwi ng kanyang mukhang humapis na sa nagdaang taon.
Ako ang prinsesita ng aking Ama;
Sya’ng nene ng may kung ilang taon.
Ako, bukod sa aking naging tanging supling.
Ako ang kapatid na babaeng sya’y di nagkaron;
Ako’ng anak na nagdalang-saya sa kanya
At sya ring naglukob ng sukdul-lungkot
Nang di ko sundin ang pagbuo ng pamilya.
Di ko ginustong lisan ang aming tahanan;
Marami ako’ng pangakong tutupdin pa.
Mga luha sa sulok ng kanyang mga pikit nyang mata
At daluyong ng dibdib
Ang mga alaalang pagkit sa aking isip sa kanyang paglisan
Luha’ng ayaw patahanin ng ‘paalam’ na di na nabigkas;
Daluyong ng dibdib sa sakit na kinupkop ng ilang taon.
Limamput’ higit na taong punyagi;
Ang ipinabaon sa amin ng aking Ama.
Matibay na disposisyon na kung ituring ng iba ay yabang;
Sikap at malayang isip ang yamang iwan sa aking ng Ama.
Hinihintay ko ang pagdalaw nya.
Umiikot ang aking tingin sa iilang dipang pagitang pader
Ng aming mumunting tahanang syang-lamlam.
May kung ilang araw ding ipinamamahay ko sa king isip
Ang pagdapo ng paruparong Mariposa sa aming dingding.
Ang pakpak ng paruparo ang magdadala ng balita;
Sya’ng makaririnig sa sambit kong pag-ibig sa’yo, Ama.
At pagkatapos…
Ililipad nya ang pinakamatayog ko’ng paggalang.
Paalam, Ama.